Thursday, June 12, 2008

Sing Out "Sister"



Piling-pili lang ang mga pelikulang Pilipino na masasabi kong mga paborito ko. Isa na rito ang Sister Stella L. (1984, Regal Films), na idinerehe ni Mike de Leon at tampok sina Jay Ilagan, Tony Santos Sr., Laurice Guillen at, ang pinakasikat sa kanilang lahat, Vilma Santos. Para sa akin, gustong-gusto ko ang pelikulang ito bilang isang character study ng isang karaniwang madre na unti-unti naging isang di-karaniwang aktibista noong siyang nagsimulang makibaka sa isang grupo ng mga nagwewelgang manggagawa. Gustong-gusto ko rin ang pelikula dahil sa mga awit na nilikha nina Pete Lacaba at Ding Achaoso. Isa na dito ang "Aling Pag-Ibig Pa," na kinanta ni Pat Castillo sa closing credits:


Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pag-ibig ko sa iyo, bayan ko?
Sa hirap at ginhawa
Sa ligaya't dalita,
Ako'y kasa-kasama mo.

Kung ang gintong palay ay kumakaway
Katabi mo ako sa bukid, bayan ko.
Kung tigang ang lupa
At 'di ka makaluha
Ako ang magdidilig.

Kung ang bulaklak ay humahalimuyak
Igagawa kita ng kwintas, bayan ko.
Kung magbababanta ang bagyo't sigwa
Ako'y may kubong ligtas.

May pag-ibig pa bang higit na dakila
Sa pag-ibig ko sa iyo, bayan ko?
Wala na nga, wala
Wala na nga, wala
Wala na nga, wala.

Isa pang awit mula sa Sister Stella L. ay ang "Sangandaan." Kinanta din ito ni Pat Castillo sa pelikula. Pero sa YouTube video na ito, si Noel Cabangon naman:



'Di ko maiwasang maalala ang mga kantang ito ngayong araw, sa mga nangyayari sa ating bansa ngayon. 'Di ko ring maiwasang maging malungkot: may ibang pag-ibig nang humigit pa sa pag-ibig sa bayan; at ang ating bansa, nananatili pa rin sa sangandaan. Sabi nga ng bida sa katapusan ng pelikula: "Kung hindi tayo kililos, sino ang kililos? Kung hindi ngayon, kailan pa?"